*Bago ako manood, nagmumura ako dahil pinagbayad kami (at wala na talaga akong pera) at pinagagawa pa kami ng papel at paniniwala kong hindi ko naman talaga kailangan magmake-up. Pagkatapos ng dokyu, nagmumura pa rin ako.
Sa unang tingin tinalakay ng dokyu na Lupang Hinarang ang pakikipagsapalaran ng labinwalong magsasaka at ang kanilang pakikipaglaban sa kanilang lupa sa Negros. Oo, nabasa mo nang tama; kanila ang lupa. Ilang punto na ipinaliwanag sa dokyu (at ilang artikulo na binasa ko):
- 1996 nang igawad sa humigit-kumulang 120 magsasaka ang bahagi ng lupa sa Hacienda Velez-Malaga. Ang nasabing lupa ay pagmamay-ari ni Roberto Cuenca. Sumasailalim sa polisiyang CARP o Comprehensive Agrarian Reform Program ang nasabing paghahati-hati ng mga magsasaka sa lupa.
- Tinatantiyang ang mapupuntang lupa sa mga magsasaka ay 0.97 na hektarya--isang halagang masasabing kulang pa rin, sa kaalamang marami sa mga pamilyang ito ay may maraming tiyan na pupunuin.
- Ilang taon na makalipas ang paggawad ng lupa sa mga magsasaka ay hindi pa rin sila nakakapagbungkal o makapagtayo man lamang ng titirhan sa sarili nilang lupa 'pagkat may mga pasikut-sikot sa batas na ginawa ang dating may-ari na si Cuenca upang magkaroon pa rin siya ng kontrol sa lupa. Ang kontrol na ito ay makikita sa mga armadong mga lalaking nagbabantay sa paligid ng nasabing lupain. Ang mga armas na ipinakita ay hindi lamang iyong mga handgun. Mahahabang mga baril na talaga namang mangangatog ka kung tutukan man lang.
- Dahil sa naunang punto, minabuti ng ilang magsasaka na magpunta sa Maynila at maghunger strike sa harap ng Department of Agricultural Reform o DAR. Karamihan sa mga naghunger strike ay matatanda na't mukhang nanghihina na sa simula pa lang. Sa kanilang hunger strike ay hindi sila kumain nang kahit ano at uminom lamang sila ng tubig na may asin. Tumagal ang kanilang hunger strike nang dalawampu't siyam na araw. Marami sa kanila ay kinailangang dalhin sa ospital, ngunit pagkatapos mabigyan ng pangunang lunas sa ospital ay balik pa rin sila sa kanilang sakripisyo't pagpapahayag ng kanilang mensahe.
- Pagkatapos ng halos isang buwan ay napagbigyan din ang mga magsasaka. Sinamahan ng gobyerno ang mga magsasaka sa lupa, kasama ang humigit-kumulang 200 na sundalo upang sila'y i-install o para sabihing kanila na talaga iyong lupa. Masaya na sana ang katapusan ng ating kwento, kung hindi lang dalawang buwan matapos ang kanilang installation, binaril ng mga armadong lalaki ang dalawa sa mga nag-hunger strike na magsasaka. Ang pinaghirapan nina Alejandro Garcesa (70) and Ely Tupas (52), ay nasayang lang ata.
Wala na atang mas sasakit pa sa dinanas ng mga magsasaka ng Velez-Malaga. Nagsimula ang kanilang pakikipagsapalaran sa pagkamatay ng isang kasamahan, at natapos din sa isa pang kamukhang pangyayari. Sa panonood ng nasabing dokyu hindi ko na talaga mapigilang magmura--una dahil hindi ko matanggap na matatanda na ang gagawa ng nasabing hunger strike. Pangalawa dahil umabot pa ng 29 days ang pagpapakagutom ng mga magsasaka. Kung 'di ka ba naman isa't kalahating walang kaluluwa na panoorin lang ang mga taong mamuhay (o mas angkop atang sabihing magpakamatay) sa loob ng isang araw e paaabutin mo pa ba nang ganoon katagal? Pangatlo ay ang tila pagtatraydor na ginawa sa mga magsasaka.
Pagkatapos manood parang ang sakit ding isiping pagmumura na lang ang magagawa ko sa'king upuan. Hanggang galit na lamang ba ang magagawa nating lahat sa bulok na sistemang umiiral sa lipunan? Sila mismong mga may hawak na sa pag-asa, hinahablutan pa't nilalapastangan, paano pa tayong mga humahabol pa lang at umaasang makahuhuli rin ng nasabing pag-asa? Hindi naman sa pagiging pesimistiko, pero ika nga ng kanta,
Hanggang dito na lang ba ang tao?