Article:
Komentaryo sa “Batang Langoy” Episode ng I-Witness
By: ---
(Purong opinyon lang ito ng nagsulat, matapos mapanood ang I-witness)
Ang midya ay nagsisilbing avenue ng mga bata para makamit ang oportunidad na makapag-express. Nagiging lugar din ito para maipaabot ng mga bata ang kanilang mga hinaing sa mga kinauukulang tanggapan lalo na’t kung may kinakaharap silang mga lehitimong isyung pambatang may kaugnayan sa kanilang karapatan, o ang kawalan nito. At dahil sa kapangyarihan ng midyang abutin ang atensyon ng pinakamalawak na bilang ng mamamayan sa isang bansa o lugar, otomatikong masasabing napakalaki ng tulong na naibibigay ng midya sa mga bata.
Kaya?
Kagyat na namuo sa isipan ko ang isang-katagang katanungang ito nang mapanood ko ang dokumentaryong “Batang Langoy” ng I-Witness na ilinabas nitong Hulyo 7 (Hulyo 8 ng madaling-araw).
Bagamat nauunawaan kong ang layunin ng presentasyon ay maipakita ang nakalulungkot na kalagayan ng mga bata sa isang bayan ng Iloilo, hindi ko maiwasang magkamot ng ulo sa ilang mga butas na nasilip ko. (Ang dokumentaryo ay tungkol sa isang grupo ng mga bata sa isang isla sa Iloilo na nag-aaral sa isang paaralan sa mainland. Hinahatid sila ng bangka sa umaga pero sa hapon, pag walang sundo, lumalangoy na lang sila pabalik sa kanilang isla na mahigit isang kilometro lang naman ang layo mula sa pampang ng mainland.)
1. Scripted’ na pagpapalangoy sa mga bata. Sa set-up pa lang, halata na ang ‘scripted’ na pagpapalangoy sa mga bata. Habang pinapanood ko ang bahaging lumangoy na ang mga bata pauwi, di ko maiwasang magtanong kung bakit naatim ng mga taga-GMA na palanguyin pa ang mga bata gayong pwede naman silang pasakayin. Ang ganitong aksyon ay masasabing isang porma rin ng eksploytasyon. Hindi rin naman nila pwedeng sabihin na pinasakay nila sa kanilang bangka ang mga bata pagkatapos nilang makakuha ng ilang shots, dahil wala silang explicit claim ng ganito sa buong takbo ng dokumentaryo. Ang ganitong porma ng presentasyon ay nauna nang ginawa ng lokal na tim ng GMA sa Iloilo City, kung saan ang naging narrator/presentor naman ay si Bb. Charlene Belvis. Halos walang pinagka-iba ang presentasyon ng tim ni Jay Taruc.
Kung gagawa rin lang naman sila ng “presentasyon” sana eh yun yung opening nila. Inabangan sana nila sa gitna ng dagat ang mga bata na lumalangoy, dun sila nanguha ng shots at pagkalapit ng mga bata sa kanilang bangka eh saka nila pinasakay at sabay na silang umuwi sa lugar ng mga bata para pormal na makipag-usap sa mga tao sa kanila, at sa mga magulang ng mga bata, at pormal na umpisahan ang kanilang pananaliksik para sa kanilang dokumentaryo. Magiging katanggap-tanggap pa ang ganito dahil masasabing lehitimo ang mga kuha, at ang mga aksyon ng mga bata, at kung gayo’y hindi ‘scripted’ na kuha lamang (bagamat totoo namang ginagawa ito ng mga bata, tinatawag ko pa ring scripted ang shots na nakuha nila Taruc dahil wala na sa katangiang “natural/normal” (in a sense na regular itong ginagawa ng mga bata kung walang sundo)). Mapapangibabawan na ito ng ideya na, lumangoy ang mga bata nung hapong iyon dahil kukunan sila ng video ng tim ni Taruc(at ni Belvis noon).
2. Ang claim ng narrator (Taruc) na “… agad kaming naki-angkas…” Ang mga katagang ito ay namutawi sa bibig ni Taruc nung ipinapakita na niya sa mga manonood na may nasalubong na masamang kalagayan ng panahon ang mga bata sa kanilang “paglangoy” pauwi. Pinasakay nila ang mga bata. Mabuti. Pero.
Ang claim ni Taruc na “kami” ay hindi nasuportahan ng mga kasunod nilang video clips. Matapos niyang banggitin ang mga naturang kataga, makikita sa mga susunod na clip si Taruc (sa pampang na) na nakasuot ng jacket at may back-pack pang naka-suknong sa kanyang likod na walang indikasyon ng pagkabasang dulot ng paglangoy sa dagat.
Bakit may lumabas na “kami”? Dahil ba sa nagawang sumabay ni Taruc sa mga gawain ng kanyang mga unang subject sa mga una niyang dokumentaryo eh, papalabasin nila sa “Batang Langoy” na sumabay ding lumangoy si Taruc?
Napakalaking paglabag ito sa etika ng pamamahayag. Masasabi ngang isa itong attempt na makapanloko. At sa kalibre ni Taruc, imposible ring sabihing di niya napansin ang error na yun.
3. Hinggil sa “health and welfare” ng mga bata. Kung ang pagpapabaya ng mga magulang ng mga bata na palanguyin silang mag-isa pabalik, kahit pa may dahilan sila (wala silang bangkang pag-aaari na magagamit), ay napakalaking paglabag na sa karapatan ng mga bata sa kalusugan at sa ligtas na pamumuhay, paano pa kaya ang pagpapalangoy ng mga taga-GMA sa mga ito para lang makakuha ng materyal na gagamitin sa dokumentaryo( kaya ko nasabing “pinalangoy” ng GMA ang mga bata, kahit pa walang ganitong lantad na panghihikayat mula sa panig ng tim ni Taruc, kasi, present ang motibo, swak din ang oras sa paglangoy ng mga bata, ibig sabihin sa punto de bista ng mga bata, alam na nilang lalangoy sila dahil kukunan sila. Kapansin-pansin din na sa araw ng shoot, hindi sinundo ang mga bata ng kanilang magulang, samantalang ang natural na gagawin ng mga magulang, para kahit papaano e mapagtakpan ang kanilang kapabayaan sa harap ng kamera, e susunduin ang mga bata at iiiwas sila sa kamera dahil silang mga magulang din naman ang mapapahiya.) ? Kahit pa sabihing may medical tim na nakaantabay o sasakyang naka-antabay, kwestyunable pa rin para sa akin ang naging porma ng tim ni Taruc sa pagkalap ng mga kakailanganin niyang materyal para sa naturang dokumentaryo.
4. Objective ng dokumentaryo. Bitin ang dokumentaryo, lalo na sa bahagi ng paghahanap na ng solusyon sa naipresenta nilang kalagayan ng mga bata. Nabigo ang dokumentaryong katukin ang mga nararapat na tanggapan para mapabilis ang solusyong kinakailangan ng kanilang subject. Sa puntong ito(sa punto de bista ng mga manonood), di na masyadong mahalaga ang behind the scene na pangakong suporta ng tim ni Taruc o ng GMA mismo sa mga pamilya ng bata. Ang importante ay kung ano ang nakikita ng manonood na direksyon ng naturang presentasyon. (After all, ang dokumentaryo e ginawa para sa mga manonood, para abutin ang mga manonood, para engganyuhin ang mga manonood na makibahagi at maging bahagi.) Kung pamilyar kayo sa mga dokumentaryo ni Michael Moore (Bowling with Columbine, Sicko atbpa), ganun ang kanyang ginagawa.
Nabigo ang tim ni Taruc na maipakita sa publiko (viewers) kung ano ang kongkreto at pangmatagalang sagot ng mga pambansang tanggapan ng pamahalaan sa kalagayan ng mga bata. Ang tangi nilang nainterbyu ay ang mga guro at ang tagapamahala ng pamahalaang bayan na halos wala namang nai-sugest na maganda at posibleng solusyon. Hindi ko rin tuloy maiwasang mag-isip na baka may tinatarget lang na emosyon ang presentasyon ni Taruc. Kung kaninong emosyon, hindi na rin nasabi ng kanyang dokumentaryo.
Dahil sa tumitinding krisis, tila baga tumitindi na rin ang komersyalisasyon ng dati nang komersyalisadong midya. Naway hindi magamit ang mga bata para lang sa mga gawaing profiteering ng iilang nakikinabang, na maaaring magresulta sa pagkabaluktot ng mga balita o ng mga tagapag-balita.
Sana’y di na ito maulit pang muli.
(3:09am)
|
|
About the Author:
... |
|