Humakot ng tatlong nominasyon ang kontrobersyal na pelikula ng Centerstage Productions na “Serbis” sa darating na 3rd Asian Film Awards sa Hong Kong sa Marso.
Ito ang ipinahayag ng kontrobersyal ding direktor ng pelikula na si Brillante Mendoza sa isang text message ngayong Biyernes ng umaga.
Sinabi ni Mendoza na nominado siya para sa best director samantalang sina Jacklyn Jose at Gina Pareño ay nominado bilang mga best supporting actress para sa pelikula.
“Kahit na maraming kritisismo ang pelikula, sa palagay ko, nang dahil sa marami na nitong napanalunan sa ibang malalaking bansa at international film festival, vindicated na ito. Walang masagwa sa pelikula,” pahayag ni Brillante, kilala rin sa tawag na Dante Mendoza.
Unang hinangaan at pinuna ang pelikula sa nakaraang prestihiyosong Cannes Film Festival sa Cannes, France noong Mayo 2008.
Bagamat may mga tumira rin sa obra ni Mendoza mula sa hanay ng mga kababayan nating kritiko, ipinagkibit-balikat lang ng direktor ang mga reaksyon.
“Sanay na ako sa criticisms. Marami nang pumuna sa mga trabaho ko pero I weathered them all. Kasi, mas mahalaga na naniniwala ako sa trabaho ko kaysa sinasabi ng mga critics.
“Alam ko naman kung sinu-sino ang mga critics na paniniwalaan ko. I hope maunawaan pa ng ibang critics ang talaga mensahe ng pelikula ko,” sabi ni Mendoza.
Nakatakdang ipalabas sa Estados Unidos ang “Serbis” mula sa ika-30 ng Enero.
Tatanggap naman si Mendoza ng pinakamataas na parangal mula sa Gawad Tanglaw na Presidential Jury Award sa ika-3 ng Marso sa University of the Perpetual Help para sa kanyang kahusayan sa paggawa ng mga pelikulang “Masahista,” “Manoro,” “Kaleldo,” “Foster Child,” “Tirador” at “Serbis.”