Mamarkahan ngayong taon ang pinakamalaking bilang ng pelikula na ipapalabas sa ika-8 taong Cinema One Originals Festival kung saan may 13 competition feature films na hinati sa dalawang kategorya: Ang "Cinema One Plus" ay binubuo ng mga batikang direktor na tumanggap ng dalawang milyong production budget bawat isa at ang "Cinema One Currents" na binubuo ng mga bagong direktor na pinagkalooban ng isang milyong budget bawat isa.
Pinili mula sa mapanuring deliberasyon sa daan-daang lumahok, ang 13 pelikulang ito ay may anim na unang feature film ng kanilang direktor at may potentsyal na gumawa ng pangalan sa larangan ng filmmaking sa loob at labas ng bansa.
"Mas malaki ang festival ngayong taon pagdating sa nilalaman at variety kumpara sa mga nagdaang Cinema One Originals. Mayroon ang mga pelikula naming ngayong taon na hindi makikita sa mainstream cinema," ani Cinema One channel head, Ronald Arguelles.
Tunghayan ang mga pelikula sa unang kategorya: MARIPOSA SA HAWLA NG GABI ni Richard Somes tungkol sa isang babae na patuloy ang paghahanap sa kanyang nawawalang kapatid , tampok sina Erich Gonzales, Alfred Vargas, Joel Torre, Maria Isabel Lopez, John Lapus at Mark Gil; MATER DOLOROSA ni Adolfo Alix Jr. tungkol sa tipikal na ina na may kakaibang hanap-buhay , tampok sina Gina Alajar, Cogie Domingo, Alessandra de Rossi , Carlo Aquino, Joem Bascon, at Mercedes Cabral na may espesyal na partisipasyon ni Phillip Salvador; BAYBAYINni Auraeus Solito tungkol sa magkapatid na umiibig sa iisang lalaki na hindi nakakarinig at nakakapagsalita , tampok ang magkapatid na Assunta at Alessandra de Rossi kung saan ipinapakilala naman si Adrian Sebastian.
Ang mga pelikula naman sa ikalawang kategorya ay: ANG PAGLALAKBAY NG MGA BITUIN SA GABING MADILIM ni Arnel Mardoquio ay tungkol sa paglalakbay ng isang batang lalaki kasama ang tatlong rebelde sa mga kabundukan ng Sulu; CATNIP ni Kevin Dayrit ay isang psychological film tungkol sa dalawang magkaibigan na bagamat magkaiba sa maraming bagay ay magkasundong nagsasama na tampok sina Lauren Young at Maxene Magalona; MELODRAMA NEGRA ni Ma. Isabel Legarda ay sumusunod sa buhay ng isang babae at ng mga kaibigang kaluluwa, mga sociopaths at mayamang political na pamilya; SLUMBER PARTY ni Emmanuel Dela Cruz ay isang komedya tungkol isang guwapong frat boy at tatlong magkakaibigang beki , tampok sina Markki Stroem, Archie Alemania at RK Bagatsing; PASCALINA ni Pam Miras ay kwento ng isang simpleng babae na matapos dalawin ang kanyang tiyahin ay makakaranas ng mga pagbabago sa kanyang buhay; ANAK ARAW ni Gym Lumbera ay tungkol sa ilusyon ng isang albino na naniniwalang anak siya ng isang Amerikano; EDSA XXX ni Khavn De La Cruz na nagpapakita ng bansang Pilipinas sa taong 2030 kung saan namumuno si Tatlong Mata na binigyang buhay ni Epi Quizon; ABERYA ni Christian Linaban ay tungkol sa pag-ibig at kamunduhan na magbubuklod sa buhay ng apat na tao na biglang magbabago dahil sa isang gabi, tampok sina Will Devaughn, Mercedes Cabral, Iwa Moto, at Nicholas Varela; PALITAN ni Ato Bautista ay tungkol sa tatlong puso na makukulong sa isang "love triangle"; at MAMAY UMENG ni Dwein Baltazar ay tungkol sa isang 84 taong gulang na lalaki na humihiling hindi ng mahabang buhay kundi kamatayan.
Maliban sa mga orihinal na feature films, magbibigay pugay din ang festival sa di malilimutang pelikulang Pilipino sa pagpapalabas nito ng restored na bersyon ng "Oro Plata Mata", "Himala" at "Genghis Khan".
Ang "Oro Plata Mata" ni Peque Gallaga ang magbubukas ng prestihiyosong 2012 Cinema One Originals Festival habang ipagdaraos naman ang ika-30 taong anibersaryo ng "Himala" sa pamamagitan ng eksklusibong pagpapalabas ng isang documentary na pinamagatang "HIMALA NGAYON" nina Sari Dalena at Keith Sicat.
Ipapalabas din ang ilang guest films tulad ng "Alagwa", "Supremo", "Jungle Love" at "Graceland".
Ang 2012 Cinema One Originals Festival ay tatakbo mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 9 sa Robinson's Galleria Movie World at mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 4 sa Edsa Shang-ri La Cineplex. Ang pinakahihintay na awards night ay gaganapin sa Disyembre 3 sa Studio 1, ABS-CBN Main Building.
Ang 2012 Cinema One Originals Festival ay ang taunang proyekto ng Cinema One na pag-aari ng Creative Programs, Inc.