Siefred Guilaran’s 2nd solo Exhibit
September 30 – October 13
Cevio Art Haus
60 San Isidro St., Bgy. Kapitolyo, Pasig
Si Siefred Guilaran ay halos lumaki at namulat sa simpleng pamumuhay ng Angono, sa piling ng tradisyon at sa gitna ng mga eksenang parokyal at kanya ring natunghayan ang galaw ng relatibong pagbabago sa kanilang lugar .Mula sa simpleng pamilya , likas sa kanya ang pagiging payak kung kaya’t madalas na nag-uudyok sa kanyang malikhaing pag-iisip ang bigyang saysay ng mga bagay na ordinaryo at paksang pamilyar. Kaya hindi nalalayo sa kanya ang pagpinta ng mga eksena o bagay o lugar kinagisnan na niya at patuloy niyang kinakapumumuhayan at kinabibilangan. At ito rin ang mga kaisipang tiyak na malapit sa kanya, mga nakagiwaan na kanyang isinasailalim sa posibilidad at sining habang nakaugat sa kanyang kamulatan, emosyon at malayang diwa.
Sa kanyang personal at malikhaing tugon, madalas sumasagi sa kanya ang mga bagay tungkol kanyang pamilya, komunidad, kagyat na kapaligiran, ang buhay sa Angono at alinmang natitira bakas ng lumang buhay dito gayundin ang mga simpleng bagay, ang mga bagay nagbibigay alam sa kanya at nag-uugat sa kanyang pagkatao sa kasalukuyan.
Dahil kilala ang Angono sa samut’ saring tradisyon katulad ng maraming pang bayan sa Katalugan naging isang malapit na reference o batayan ang mga imahen ni Fernando Amorsolo. Madalas makita sa mga larawan ni Amorsolo ang mga masasayang magsasaka sa gitna ng parang at mga kaakit –akit na dilag sa batis na tila ibinubunyag at kinakatawan ang mga kaayusan na tila payapa, masaya at masagana. Tila ngang kapangahasan ang paggamit at paghiram sa mga bantog na imahe ni Amorsolo ngunit nagsisimula ang lahat bilang isang pagkilala sa yumaong Pambansang Alagad ng Sining. Sa isang banda ito rin sinasadyang metapora na akma sa gustong ipahayag ni Siefred na may kaugnayan sa kanyang kapanahunan.
Tinitignan ni Siefred si Amorsolo mismo bilang isang representasyon ng tradisyon at ang kanyang pinta ay uma-alaala sa simpleng saya at kapayakan ng buhay at dito nais dugtungan at paglaruan ang naratibo ng walang pasubali. Sabi nga ni Siefred, madalas hindi na masaya ang mga magsasaka at wala na rin payak na buhay bukid.
Sa ibabaw naman ng mga obra ni Siefred, sa pagpunit at paglikha ng sugat o galos ay pumupunit sa mga romantikong pagsasalarawan ni Amorsolo. Bagamat di naman pisikal ang mga punit ito ay pagpapakita ng pagsira at pag- intindi sa kalatagan ng mga bagay-bagay. Gaya ng kaingin, kailangang sunugin at hawan ang ilang puno sa gubat upang bigyan ng bagong sigla ang lupa at tila pagsira ay isang lamang simula. Kay Siefred, ang mga galos ay hindi lang mga pisikal na marka, sila ay pagpapa-alala ng trauma, ng sakit, ng hapdi at mga trahedya at maraming kalakip na talinhaga. Dito naglalaro ang diwa ng paglatay at punto ng paggalos na hinahangad ni Siefred bilang posibleng daluyan ng bagong argumento at pag-intindi sa panahong tinalikdan at kasalukuyan.
Sa mga tila bukas na sugat o lamat, maaring makita ang balangkas sa dalawang realidad at natural na oposisyon. Kalakip ng mga larawang ito ang ang kontradiksyon at ang kalikasan, dahil ang pagkasira ay ang pagpapakilala at pagpapadaloy sa anumang bago at hindi mapipigilang pagbabago. Ito ay mga puwang kung saan pwedeng silipin ang mga tunay o ilusyon. Mahinahon ngunit may pagigiit nitong pinagbabangga ang maganda at maaayos, ng dati ang ngayon, ang katiyakan at alinlangan at mga bagay na maaring narireiyan pa at mga di na makikita pa.
Sa personal na antas, ang kanyang mga ipinintang galos ay pagtatatahi at pag-alala sa personal karanasan liban pa mga ala-alang pambayan at bukas itong dalumatin ng mga taong titingin at makikipag-ugnayan sa kanyang mga nilikhang sining. Aniya, lahat ng bagay o tao ay dumaranas ng pagkagasgas at pagkasira. Hinihikayat nito ang mga tao na silipin ang mga sugat at damhin ang hapdi at tignan ang katotohanan ng lagpas sa ibabaw na kaanyuan ng mga bagay.
***
Si Siefred Guilaran ay isang fulltime artist. Nagtapos siya ng kursong Fine Arts sa University of Rizal System. Naging suking finalists sa patimpalak ng MADE ng Metrobank Foundation sa ilang taon noong nakaraang taon ay muling binigyan ng pagkilala sa kanyang partikular na obrang pinamagatang “Corrupted.”
Philip A. Paraan
Invite:
https://www.facebook.com/events/125992891391502/