Makisaya sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika’t Sandaan: ang ika-Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino at sa pagbibigay ng kahalagahan sa katutubong wika sa Sinebernakular kasama ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) mula Agosto 22 hanggang 24, 2019. Magkakaroon ng exhibit, film screenings, film talks, at cultural night sa nasabing event sa pakikipagtulungan kasama ng National Commission for Culture and Arts (NCCA), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), at National Parks Development Committee (NPDC).
Tampok sa Sinebernakular: Katutubong Wika sa Harap ng mga Lente Exhibit na gaganapin sa Cinematheque Centre Manila mula Agosto 22 hanggang 23, 2019 ang mga katutubong wikang ginamit sa mga pelikulang Pilipino, pati na rin ang traditional costumes ng local community kung saan naka-set ang production ng pelikula.
Samantala, magkakaroon naman ng film screenings sa Cinematheque Centre Manila mula Agosto 22 hanggang 23, 2019 ng iba’t ibang mga pelikulang Pilipino. Kasama rito ang “Walang Rape sa Bontok” (Finallig), “Ari: My Life with a King” (Kapampangan) mula sa Luzon; “Sonata” (Hiligaynon) at “Swap” (Bisaya) mula sa Visayas; “K’na, the Dreamweaver” (T’boli) mula sa Mindanao; at ang “Ang Larawan” (Filipino).
Dito rin gaganapin ang film talks sa Agosto 22, 2019 para talakayin ang kahalagahan ng wikang katutubo at ang paggamit nito sa mga pelikula. Ang ilan sa speakers na magbabahagi ng kanilang mga kaalaman ay sina Anita Del Mundo, ang director ng “K’na, the Dreamweaver,” Carlo Catu, ang director ng “Ari: My Life with a King,” at ilang KWF educators.
Magsasama-sama naman at magpe-perform ang iba’t ibang Filipino artists para ipagdiwang ang Buwan ng Wika sa Cultural Night: SABAYANIHAN sa Liwasan ni Rizal sa Rizal Park open air auditorium sa Agosto 24, 2019 ng 2:00 PM hanggang 11:00 PM.
Ilan sa mga dapat abangan ang live acoustic performances at live spoken word performances ng artists ng Tulaan MNL, Betsin-Artparasites, Baon Collective, Titik Poetry, indigenous community, Nomad Likha, Tadhana Collective, CollaboratoryPH, at Ampalaya Monologues.
Magkakaroon din ng performances ang OPM artists na sina Raven and the Papis, Pangayaw Ethnic Band, 4th Quadrant, 2202, Hulo, Blessie Hernandez Azul, Leanne and Naara, Gelo Music, Shirebound and Busking, Syd Hartha, Johnny Paradox, Young Music, at Kiyo, Space Moses, at No$ia.
Ang Sinebernakular: Katutubong Wika sa Harap ng mga Lente Exhibit, film screenings, film talks, at Cultural Night: SABAYANIHAN sa Liwasan ni Rizal ay LIBRE at bukas sa publiko.