Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA)

 

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ay samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar.

Ilan sa mga layunin ng LIRA ang palusugin at pagyamanin ang panulaang Filipino sa pamamagitan ng pag-aaral ng tradisyonal at modernistang tula, magbigay ng mga palihan at panayam, mag-organisa ng iba’t ibang okasyong pampanitikan at tumulong sa pagpapalimbag ng mga koleksiyon ng tula ng mga kabataang makata.

Taon-taon, nagdadaos ang LIRA ng palihan at klinikang pampanulaan mula Hunyo hanggang Disyembre. Nagsisilbing tagapanayam at umuupo sa workshop ang mga kilala at premyadong makata at manunulat.

 

Links
Website     Facebook     Linkedin

 

Kasaysayan

Taong 1985, nagkasundo ang siyam na batang makata — sina Rowena Gidal, Edwin Abayon, Dennis Sto. Domingo, Ronaldo Carcamo, Danilo Gonzales, Vim Nadera, Ariel Dim. Borlongan, Romulo Baquiran Jr., at Gerardo Banzon na patuloy na magtagpo kahit natapos at sumailalim na sila sa Rio Alma Poetry Clinic, isang serye ng mga Sabado ng palihan at madugong pagsipat sa mga tula.

Noong 15 Disyembre 1985, sa tanggapan ng ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, (mas kilala bilang Rio Alma) sa Adarna House, Quezon City, isinilang ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang organisasyon ng mga makatang masigasig na nagsusulat sa wikang Filipino.

Maliban kay Rio Alma, matiyagang umantabay sa mga palihan at/o nagbigay ng panayam ang ilan sa pinakamahuhusay na makatang Filipino: Mike Bigornia, Teo Antonio, S.V. Epistola, Alfredo Navarro Salanga, Marne Kilates, Fidel Rillo, Rogelio Mangahas, Joi Barrios, Krip Yuson at marami pang iba.

Bilang patunay ng masaganang pananalinghaga, nakapagpalimbag na ang LIRA ng tatlong antolohiya: ang Unang Bagting, Parikala, Ikatlong Bagting, at noong 2010, ang Lirang Pilak. Ilan sa mga miyembro ng LIRA tulad nina Vim Nadera, Jr., Romulo Baquiran, Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Soselyn Floresca (SLN), Fr. Arnel S. Vitor, Mesandel Virtusio Arguelles, Maningning Miclat (SLN), Edgar Samar, Joseph Rosmon Tuazon, Jerry Arcega Gracio, Ony Carcamo at Raul Funilas ang mayroon nang sariling koleksiyon ng tula.

Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito.

 

Pamunuan

Tagapagpayo at Tagapagtatag
Virgilio S. Almario
Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan

Pangulo
Dr. Joey Tabula

Pangalawang Pangulo
Mia Francesca Lauengco

Kalihim
Agatha Palencia Bagares

Ingat-Yaman
Adelma Salvador

Tagapag-Ugnay
Edbert Darwin Casten

Direktor ng Taunang Palihang Pampanulaan
Giancarlo Abrahan

Katuwang na Direktor ng Taunang Palihang Pampanulaan
Abner Dormiendo

Mga Residenteng Guro ng Taunang Pampanulaan

Mga Regular na Guro ng Palihan