Sulat ni Randy Nobleza
Hindi madaling puntahan ang Bangsamoro, may ilang buwan ding pagpaplano ng ruta at paghahanda sa daan. Nagkaroon ng pagkakataon nang may imbitasyon para dumalo sa Philippine Book Festival sa Davao.
Bagamat walang direktang eroplano tungo sa Cotabato kung saan nakalagak ang Bangsamoro museum. Tinyaga namin ang lubhang maagang biyahe para hindi magahol sa oras. Hindi bababa sa limang oras ang biyahe papunta at higit pa pabalik sa van tungo sa kabisera ng Bangsamoro.
Buti na lamang may kaibigan at kakilala sa museo, hindi inabot ng tanghali ay nakarating na kami. Payak ngunit hitik ang nilalaman ng Bangsamoro museum. Inindoso kami ng kapwa cultural mapper at heritage advocate pagkatapos magkape at kumain ng pastil para museum tour sa kultura at pamanang Bangsamoro.
Ang bubungad sa bisita pagkatapos magpatala ay ang iba-ibang grave marker at sa gitna ay koleksiyon ng gador at imbakan ng mahahalagang gamit kagaya ng nganga.
May hindi hihigit sa limang bahagi ang eksibit kumakatawan sa Bangsamoro, pinapakilala nito ang mga katangian ng mamamayang Maranao, Tausug, Yakan, Iranun at Maguindanao.
Matatagpuan ang mga instrumento, likhang kamay, mga dokumento, kagamitang pang-araw-araw na may kabuluhan at saysay sa pamumuhay.
Bagamat may kanya-kanyang pinagmulang komunidad ang mga objek sa koleksiyon maging ang nagsasagawa at kasama sa guided tour, walang tinatampok nang higit o mas mataas.
Bawat isa ay mayroong natatanging pagkakakilanlan sa tunog, kulay, hilatsa at iba pa. sa dulong bahagi ay mayroong pambentang ma produkto at gayundin sipi ng ma babasahing magpapaalala ng pagbisita sa museo. Hindi man matagal ang paglagi, saglit lang kumpara sa binyahe papunta at pabalik, masasabi kong sulit at may sukli pa sa danas ng pagsadya.