CNU magdaraos ng “Unconference” sa pagitan ng Pasko at Bagong Taon

Cebu, Philippines – Magkakaroon ng UnConference ang Cebu Normal University (CNU) sa darating na Disyembre 27 bilang bahagi ng mga kahingian sa CulEd 204, Graduate Diploma in Cultural Education (GDCE) Level 2. Ang tampok na tema ng nabanggit na gawain ay “Handumanan sa Kabilin: Kaugmaong Malamboon” sa inisyatiba ng Batch 6 ng GDCE sa CNU.

Mayroong pambungad na pagbati ang tagapag-ugnay ng CNU GDCE, Dr. Nancy Cadosales. Samantala may inspirasyonal na mensahe naman ang GDCE faculty, Dr. Randy Nobleza. Sa pangunguna ng tatlong pangkat, sa loob ng limang klase sa pamamagitan ng virtual na platform ay nakapagtalakay ng mga isyu, hamon at tugon sa kultural na edukasyon.

Ang Unang pangkat ay pinili ang mga pamanang eklesiyastikal o pansimbahan, “Promoting Awareness and Preservation of Cebu Churches.” Nagpaunlak sina Padre Danilo Noval at Padre Andy Guban buhat sa St. Arnold Janssen Parish bilang mga reactor o discussant. Binubuo ang unang pangkat ng mga titser-iskolar sina Lucita Roda, Alex Montecillo, Reyane Diacoma.

Ang kasunod na pangkat ay tumutok naman sa mga kultural at likas na pamana ng isla ng Lapu-Lapu, “Padayon Lapu-Lapu: Preserving Our Cultural and Natural Heritage.” Nagsilbi namang tagatalakay sina Gng. Daria Nimenzo, isang Master Teacher sa MAPEH at Dr. Faith Bullo, ang Education Program Supervisor ng MAPEH sa Consolacion, Cebu. Binubuo ng mga titser-iskolar galing sa kasunod na pangkat sina Hygeia Bercero, Sherilyn Tampus at Wendy Bacalso.

At ang huling pangkat ay pinili ang lokal na musika bilang adhikain, “Roots in Rhythm: An Advocacy for Local Music Preservation.” Ang tagapanayam naman ay si Gng. Darlene Yap, ang CNU chorale conductor. Ang bumubuo sa huling pangkat ay mga titser-iskolar na sina Ira Mae Mag-aso, Jennifer Jane Maylon at Ivan Villarias.

Ang GDCE ay pinapangasiwaan ng Philippine Cultural Education Program (PCEP), sangay ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA). Mayroong dalawang antas ang GDCE, ang CulEd 204 ay bahagi ng ikalawang antas para makakompleto ng diploma para sa kultural na edukasyon.