Boac, Marinduque – Sa darating na Hunyo 23, magdiriwang ng 28 taong anibersaryo ang Parokya ng Banal na Puso sa pamamagitan ng siyam na araw na misa at mga palaro upang hikayatin ang mga mananampalataya ng mga barangay ng Kabilang ilog na makilahok at makibahagi. Mula Hunyo 14 hanggang 22 ay magkakaroon ng mga Misa Novenario at Fiesta Games sa Barangay Poras.
Sa suporta ng Sacred Heart Parish Pastoral executive council at Sangguniang Barangay ng Poras ay napagkayarian na idaos ang mga palaro para sa kapistahan, kagaya ng pabitin, hampas palayok, tumbang preso, fun run, sack race, BINGO sosyal, hit the egg, Juego de Anillo, palosebo, pa(a)ndesal, happy fiesta candle at raffle.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon, “Mahal na Puso ni Hesus, Sandigan ng mga Mabuting Katiwala” ay akma sa mga tunguhin ng Parokya ng Mahal na Puso buhat ng pagbangon sa pandemya.
Nagpapasalamat ang Hermano Mayor sampu ng Kura Paroko sa mga tulong pinagkaloob ng mga sumusunod: Ace Brigoli, Frank Villamin, Marby Montellano-Reyes, Arch. Mark Jason Go, Elan Go, Micgell Go-Brabante, Roland Uy, Blair Dimaano, Ninay Festin-Tan at Lorie Uy. Nagpaabot din ng mga pledge dating Bokal John Pelaez, Josefina Tan, Engr. Erick Licon at Engr Glenson Labaguis.
Ang Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus ay nagdiriwang ng ika-25 taong pagkakatatag sa kasagsagan ng Covid19 at natalagang Hermano Mayor si Randy Nobleza kaagapay ang Kura Paroko na si Padre Jojie Mangui.
Ayon sa Kasaysayan ng Pagkakatatag ng Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus, “Taong 1993, nakipagpanayam ang Barangay Pastoral Council at Sangguniang Barangay ng Poras kay Obispo Rafael Lim upang alamin ang katatayuan ng kanilang minimithing pangarap na maging parokya at upang humingi rin ng payo. Agad na nagkaroon ng isang magkakasamang pagpupulong sa Simbahan ng Poras ang pangulo ng Barangay Pastoral Council ng Poras at mga kapitanes ng barangay sa kabilang ilog sa pamamatnubay ni Reb. Padre Rene Labrador na noon ay Lingkod-Pari ng Parokya ng Inmaculada Conception. Nagbuo sila ng Riverisde Core Group na agad sinangayunan ni Obispo Lim at ito ay binubuo ng mga kapitanes at pangulo ng Barangay Pastoral Council ng Buliasnin, Maligaya, Balogo, Pili, Tabigue, Lupac, Poras at Tabi. Ang nasabing samahan ay siyang tutugon sa pangangailangan ng inihahandang parokya ng Poras.”
Dagdag pa, sa bisa ng isang Dekreto na ginawa ni Obispo Lim at nilagdaan noong Hunyo 23, 1995, ay pormal na dineklarang isang ganap na parokya ang kabilang ilog sa pangangalaga ng Mahal na Puso ni Hesus na siyang patron nito. Ang Parokay ng Mahal na Puso ni Hesus ay binubuo ng barangay Buliasnin, Maligaya, Balogo, Pili, Tabigue, Lupac, Tabi at ng Poras na siyang pinaka sentro nito. At si Reb. Padre Senen M. Milambiling ang kauna-unahang itinalagang lingkod-pari ng Parokyang ito.