Mamasapano

Nasaan ka pagsambulat

Ng bulkan ng kasaysayan?

Pagpugot sa umuugat

Na binhing kapayapaan?

Lumuluha’ng buong mundo,

Bakit nga, Mamasapano?

 

Sino’ng dapat na sisihin?

Walang watawat ang punglo.

Anong poot ang napisil?

Walang timbangan ang dugo.

Susúlong ang buong mundo?

Hindi na, Mamasapano.

 

Binibilang ang namatay.

May puntod ba ang himutok?

Tinutuos ang nasáyang.

Paano ang mga musmos?

Nagbabago’ng buong mundo.

Hindi sa Mamasapano.

 

Kakainin ng alabok

Ang landas ng banta’t talim;

Tutubò ang damo’t lumot

Sa alaala’t panimdim.

Nakalilimot ang mundo,

Hindi ang Mamasapano.

Nakalilimot ang mundo,

Hinding-hindi táyo dito!

Hinding-hindi! Hanggang dulo!

Hindi ang Mamasapano.

 

 

Rio Alma
14 Pebrero 2015