Bilang grupong pang-tanghalan ng mga mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa ilalim ng pagtataguyod at pangangalaga ng Sentrong Unibersidad para sa Kultura at mga Sining, naniniwala ang PUP Sining-Lahi Polyrepertory na ang teatro at pagpapahalaga sa sining ay mabisang maisasakatuparan sa pamamagitan ng paglilinang at pagbubuo ng masining na talento at pagkamalikhain. Naniniwala kami na ang makabuluhang pag-unlad ng isang indibidwal ay matutulungan ang grupo na lumikha ng mas epektibo tungo sa moral, intelektuwal, at sosyo-ekonomikong pagsulong at pagpapanatili ng isang mabuting ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng unibersidad at komunidad.
Patuloy ang aming layuning (1) linangin ang natatagong talento ng mga mag-aaral, (2) palaganapin at pausbungin ang mga programang magpapabuhay sa kultural nilang kamalayan, at (3) hikayatin ang mga mag-aaral at iba pang komunidad ng PUP sa pagpapatibay ng Pilipinong kultura at mga sining.
Ang grupo ay nakikita ang kaisipang maging instrumento sa ebolusyon ng teatro at mga sining sa kultural na oryentasyon ng komunidad, kaya naman malugod na inihahandog ng PUP Sining-Lahi Polyrepertory, para sa ika-39 na tagdula:
Nena
pang. [tao]
Buhat ng mga conquistadores.
“NAY-nah” sa salitang Espanyol na ginagamit bilang pantawag sa minamahal, kadalasang sa pagsinta. Katumbas ng “sweetheart” o “baby” sa Ingles. Siyang tunay na inosenteng diwa ng kolonyalismo at dekolonyalismo. Transitibo ring maituturing. Si Nena ay malay(a). Kaisa kay Bathala. Katauhan ng mapagpalayang sining.
Baon ang samu’t saring karanasan sa kasaysayan ng Pilipinas, mahahati sa apat (4) na yugto ng pakikipagsapalaran si Nena para sa tagdulang ito:
KAAKUHAN
Ang kasaysayan ay binubuo ng mga nawawalang kasaysayan. Malalim ang sugat. Isang mahaba at malalang anyo ng kalungkutan. Hindi tiyak sa kung ano ang nakalimutan. Sa gayong lagay, pag-alala sa paraang pagwasak ang kinakailangan. Puno ng sugat ang ating dila. Natatapalan ng makapal na kasinungalingan. Upang maghilom, bahagi ng proseso ng panunumbalik ang kaugnayan sa pag-alala at paggalang sa kultura ng oral na pagsasalin. Tayong lahat ay si Nena, kumikilala. Hindi sa iba bagkus sa sarili. Ang kaakuhan ay ang pinakamataas na pagpapahalaga sa sarili. Mula sa pag-ako, inaako ang sarili. Pananagutan sa sarili. Pag-angkin. Ito ang ating kaluluwa.
Isang muling pagharaya sa natatanging dula ang itatanghal sa yugtong ito. Sa buwan ng Agosto, magkaisa tayong lahat na ipagdiwang ang kagandahan ng wika at panitikan.
KAMALAYAN
Bakit nga ba napakataas na lang ng pagpapahalaga natin sa mga dayuhan? Ang mga pinanggalingan ng kaalaman at karunungan tulad ng mga kultural na pamamaraan, katutubong kasabihan, mga kawikaan, kuwento, alamat, awit at sayaw ay hindi kailanman kinilalang lehitimong mapagkukunan ng kaalaman sa kolonyal na kultura. Ang kolonisasyon ay tungkol sa pagbibihasa, ito ay marapat lang na maiba mula sa nakakaantalang krimen ng pagbihag. Ang alegorya ng mapagkawanggawang paglalagom ay nakakapawi sa karahasan ng pagbihag sa pamamagitan ng pagpapakahulugan ng kolonyal na batas bilang ang pinaka natatanging regalo ng “mga sibilisado” na maibibigay sa mga nakakulong sa kalagayang barbaro at kaguluhan. Ang kamalayan bilang katangian ng kaisipan ay pagiging gising, alisto, at tumutugon sa kapaligiran. Ito ay pakikisama at pangingialam. Pakikitungo sa mga kondisyong nakahain.
Isang orihinal na katha ng grupo, sa unang pagkakataon itatanghal sa buwan ng Disyembre. Sama-sama tayong manindigan. Higit sa lahat, para sa bayan.
KASARINLAN
Isang kultural na pagsasama. Isang pagkilos mula sa makasaysayang pang-aalipin. Maaaring isapuso tulad ng pag-ibig sa kapwa, madamdamin, hindi nakapangangatwiran, hindi maipaliwanag. Tulad ng minamahal, minsan nagiging bahagi na natin magpakailanman. Ang pagkakakilanlan ay may kaugnayan sa anyo, at ang anyo ay matagal nang nakatanim sa mahabang kasaysayan ng paglaban. Ang kasarinlan ay pagpapalaya. Pagsusulong. Hindi lang ito kalayaan, pakikibaka rin ito. Patuloy na pakikibaka. Silakbo ng damdamin. Tayo ay higit na mas malaki pa sa kahit ano. Nagpapadayon. Tinatanggap ang katotohanang naiiba. Tayo ay nabahiran na ng napakaraming impluwensya na bumuo sa kung sino tayo ngayon. Tayo ay mas malakas nang dahil sa kanila. Sila ang nagdulot nitong rebolusyon. Puso ito.
Isang kolektibong pagdiriwang ng iba’t ibang orihinal na kontemporanyong pagtatanghal at pag-aaral ng mga miyembro ng grupo. Ating pagnilayan kung tayo nga ba’y talagang malaya, o mahaba lang ang tanikala.
KALIKASAN
Ang mga Pilipino ay hindi maaaring magkaroon ng kultura, dahil tayo mismo ang kultura. May kagamitan at kahalagahan sa pang araw-araw na pamumuhay. Dayuhan man sa sariling kaisipan, sinisikap pa ring umayon sa nakagawian at nakasanayan.
Sa mas pinatibay at pinalawak na pag-aaral, muling nagbabalik ang Kolaboratoryo. Isang kolektibong pagsasanay sa masining at akademikong disiplina ng pagtatanghal. Samahan kaming manaliksik nang mas malalim buong taon kasama si Nena.
kung tayo ay maglilinang bilang mga artista sa apat na yugtong ito, kailangan nating umayon sa Pilipinong pananaw:
a.) Pagpapatibay sa kalakasan ng Pilipinong kultura
b.) Paggawa para sa kabutihan ng bayan bilang pangkalahatan
c.) Paglinang ng pag-angkin bilang Pilipino
Sabi nga ng Pambansang Alagad ng Sining na si F. Sionil Jose na binigyang paglalarawan ang Pilipino bilang “nagmamahal sa bayan.” Hindi impluwensya ang mahalaga bagkus kung ano ang pakikitungo natin sa kanya – kung paanong ang tumatanggap na kultura ay nagbabago, nag-iiba o magbibigay sa kaniya ng bagong kahulugan at kagamitan. Ang mahalaga ay kung paano tayo gumagawa ng impluwensya nating sarili, kung paano natin gawing Pilipino o gawing katutubo ang mga iyon. Sabi nga ng kultural na historyador na si Dr. Florentino Hornedo, “Today’s native is yesterday’s visitor.”
Samahan po ninyo kaming gugulin ang buong tagdulang ito kasama si Nena ng may pagmamahal sa sarili, pero higit sa lahat, para sa bayan.
#NENA
#SLP39