Sulat ni Noel Sales Barcelona
Sabi nga nila, ang musika ay isang pising nagdurugtong sa lahat, isang malakas na puwersang wumawasak ng konsepto ng lahi, paniniwala, kasarian, at maging ng panahon. Isa sa maituturing na hiyas ng musika sa Pilipinas ang abogado, mistiko, at brodkaster na si Nick Nañgit, na nagpaunlak ng isang eksklusibong panayam para sa Agimat.net.
Sa panayam na ito, inaasahang lubos nating makikilala ang mga kamay na nagpapaawit at nagbibigay ng salamangka/mahika sa tiklado ng piyano.
Minabuti kong gawin sa Filipino ang panayam na ito nang sa gayon, hindi lamang maitampok ang wikang sarili at maunawaan ng mga mambabasa ang tungkol sa piyanista, kundi upang ipakita ring napakayaman ng ating sariling wika at may bisa itong gamitin upang talakayin ang anumang may kinalaman sa ating sariling sining, kultura, at kamalayan/diwa.
Agimat: Una, ipakilala mo ang iyong sarili – ang iyong background at iba pang mahahalagang impormasyong inaakala mong makapupukaw ng interes ng ating mga mambabasa.
Nick Nañgit (NN): Ako po si Nick Nañgit, isang piyanista na tumutugtog ng klasikal na musika.
Agimat: Kailan ka unang tumugtog ng piano? Sino ang nag-udyok sa iyo na tumugtog? Sinu-sino ang masasabi mong inspirasyon at impluwensiya mo bilang piyanista?
NN: Una akong tumugtog ng piano noong nakabili ang mga magulang ko nito. Labingdalawang taon pa lamang ako noon at katatapos lang sa ika-anim na baytang ng elementarya.
May asignatura kami noong Grade 5 ako na Musika. Ang guro ko ay napakahusay tumugtog ng piano, accordion, organ, at maging ng gitara. Sa tuwing nagtuturo siya sa amin, kasama ang pagpapatugtog ng mga musika galing sa piano at orkestra, at ipinaliliwanag niya ang kaibahan ng iba’t ibang kompositor, para akong dinadala sa ibang mundo. Nakakalimutan kong nasa paaralan lang ako. Buhay na buhay ang aking diwa sa pagkakamangha noong ipinakilala na niya sa aming mga mag-aaral ang mga gawa mina Mozart, Beethoven, Chopin, atbp. At tuwang-tuwa ako sa pagtuturo niya kung paano magbasa ng mga nota.
Bukod pa riyan, may kapitbahay kami na Kastila. Tinatawag siya na Don. Ang tanging kinakausap lang niya sa tuwing bumababa siya ng kanilang bahay, para ilakad ang kanyang German shepherd na aso, ay si Dade. Kapag tumutugtog siya ng piano, binubuksan niya ang pintuan na kanilang bahay. Kahit likuran lamang niya ang aking nakikita mula sa aming bintana na katapat nito, muli ay para akong dinadala sa ibang mundo. Dumudungaw ako at namamangha. Sabi ko sa sarili ko, ang galing niya. Sana makatugtog din ako ng piano. Yun nga lang, pangarap lang iyon na alam ko sa murang edad na hindi mangyayari, dahil wala kaming piano at, sa tingin ko, mahal ang piano. Dahil hindi naman kami mayaman, hindi ako umasa.
Ang naaalala ko, sabi ni Dade sa amin noon, ang piano raw ay pambabae. Lalo akong nalungkot. Pero, dahil hindi naman ako sumusuko, inutu-uto ko ang kapatid kong babae na awitan si Dade na bumili ng piano. Kunwari, para sa kanya. Sumunod naman siya. Kinulit-kulit niya si Dade at, dahil Daddy’s girl siya, ayun napapayag niya si Dade. Yun nga lang, hindi naman alam kung totoo ang kanyang pangako o kung kailan matutulad iyon.
Nagulat na lamang kami, dahil isang araw, may biglang delivery ng piano sa bahay. Nanlaki siguro ang mga mata ko noon. Hindi ako makapaniwala. Ang paliwanag ni Mame, noong tanungin ko siya, ay napadaan lamang daw sila ni Dade sa isang tindahan ng mga piano na malapit sa amin. May “sale” daw kasi, kaya sinamantala na nila. Yun nga lang ulit, dahil wala namang nakakaintindi kahit sino man sa amin kung paano pumili ng magandang piano, ang nabili pala nila ay may basag na sa likuran o yung tinatawag na “sounding board” nito. Nalaman ko na lang noong ako ay isang ganap na na piyanista at ipina-tono ko ang piano namin. Yun ang sinabi ng tuner at repairman na rin.
Walang nag udyok sa akin na tumugtog ng piano. Kusa akong nag-aral ng walang guro. Yan ay dahil nga sa guro namin sa Musika. Mahal mag-aral ng piano. Kada oras ang bayad sa guro. Dahil nga hindi namin kayang magbayad ng ganung kalaki, sabi ni Mame, kaya ako na lang ang nagturo sa aking sarili.
Ang nangyari, ganito. Ang kapatid kong babae ang talagang pinag-aral ng piano. May malayo kaming kamag-anak na pinakiusapan ni Mame na pumunta sa bahay tuwing Sabado, para turuan siya. Manood na lamang daw ako, at matututo rin ako. Pero, dahil sa sobrang kulit ko, pumayag kahit papano si Mame na sabay kami ng kapatid kong ma-aral nito.
May serye na libro na ang pangalan ay John Thompson na inirekomenda niya. May mga larawan ito ng kamay, kaya madaling sundan. Noong una, sabay nga kaming pinag-aral. Ang unang assignment namin ay aralin ang unang limang piyesa. Noong sumunod na balik niya, kahit inaral ko ay higit pa sa unang limang piyesa, o mismong unang sampung piyesa, ang itinuro pa rin niya sa akin ay yung unang lima pa rin.
Ang pakiramadam ko, sabi ko kay Mame, gagatasan lamang kami. Kaya, dalawang magkasunod na Sabado lang siya nagpakita sa amin. Inihinto na ni Mame.
Ibinili kami ni Mame ng mga maiiksi pero makukulay na pambatang koleksiyon ng mga piyesa mula sa isang luma at nagsara nang tindahan sa Raon Quiapo. Kumbaga, sabay kong inaral ang mga klasikal na tugtog mula sa John Thompson at ang mga kasalukuyang musika noon na mula naman sa Raon
Ang unang nagsilbing inspirasyon ko ay si Dade. Namasukan daw kasi siya sa lolo niya na dating Congressman ng Palawan. Hindi ko alam na doon siya natutong mag oido, dahil ang naaalala ko may piano nga ang lolo kong iyon.
Sumunod na inspirasyon ko ay yung kapitbahay nga naming Don at ang guro ko sa Musika. Pagkatapos, habang lumalaki ako, nandiyan ang mga kilalang piyanista na sina Cecil Licad, Rowena Arrieta, ar Van Cliburn.
Agimat: Kailan ka unang nagkonsiyerto sa lokal? Ano ang karanasang hindi mo malilimutan sa una mong pagtatanghal?
NN: Noong 2000 ako unang nag konsiyerto na solo, at ito’y ginanap sa Palawan. Lagi kasi na, kapag may debut, sa Metro Manila ginagawa. Gusto kong ibahin, kaya sa lalawigan ako unang nagtugtog sa publiko, para hindi minamaliit ang kanayunan.
Dito, saang hindi ko makakalimutan ay yung nasa harapan nakaupo si Mame at hindi halos gumagalaw hawak lang ang rosaryo niya. Kinabukasan, noong ilalabas ko na ang kotse, tinanong niya ako kung saan ako pupunta at sino mag mamaneho. Sabi ko, diyan lang, ako. Biglang sinabi niya, hindi, hanap tayo ng mag mamaneho para sa iyo. Nagulat ako, dahil akala ko hindi niya pinapahalagahan ang pagtugtog ko, dahil nga away bati kami sa radyo niya tuwing nag eensayo ako, yun pala baligtad.
Noong 2003 naman ako unang nag konsiyertong pampubliko sa Tanghalang Aurelio Tolentini ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas o kilala rin sa pangalang Cultural Center of the Philippines, kasama ang Manila Symphony Orchestra. Tinugtog namin ang Mozart Piano Concerto in A, K. 488.
Ang hindi ko makalilimutan dito ay yung papuri na ibinigay sa akin. Sobra ang kaba ko, dahil hindi man lamang ako nag chamber music – o yun bang may kasamang ilang manunugtog din ng iba’t ibang instrumento – pero sumabak na ako agad kasama ang isang buong orkestra. Lalo na sa unang bahagi kung saan ay hihinto sila at ako ang papasok. Ang bilis ng tibok ng aking puso, pero banayad lang dapat ang ritmo ng aking tutugtugin. Paano ko pagsasabayin sila? At saka, nakaririnding katahimikan pa ang bumasag sa aking tainga na tila ba ultimong karayom maririnig mo sa paghulog nito sa sahig. Pero, nairaos ko naman ng maayos.
4. Sa internasyunal na pagtatanghal: Kailan ka nagtanghal sa ibang bansa? Maaari bang ibahagi mo ang iyong mga karanasan sa pagtugtog sa foreign audiences.
2006 ako unang nagtanghal sa ibang bansa. Sa totoo lang, hindi ko pinangarap at hindi sumagi sa isip ko man lang na sa sentro pa ng sining sa buong mundo ako unang magtutugtog. Ang gusto ko lang makatugtog kasama ang orkestra. Masaya na ako, dahil mababaw lang ang aking kaligayahan.
Ito ay ginanap sa Egliese Americaine, na isang simbahan sa Paris, France. Inayos lahat ng ating embahada ang aking debut sa imbitasyon ng ating konsul impresario. Nakakakaba rin, dahil tinapos ko pa ang aking isusumiteng dokumento sa korte, isang araw bago ako lumulan ng eroplano. Hindi pa nga ako nag eempake noon, at hindi na rin ako nakatulog dahil sobrang aga ng alis sa paliparan.
Nasa himpapawid ako ng 14 na oras, at pagbaba sa Netherlands ay sakay ako agad papunta na sa Paris. Wala akong universal adaptor, kaya nataranta ako, dahil hindi ko man lang mapadalhan ng mensahe si Mame na ako’y nakarating na. Kaya, kinabukasan, ilang oras bago ako magtugtog, hinalughog pa namin ang mga tindahan, para lang makabili ng adaptor. Saka pa lamang ako nakapag-recharge ng selpon.
Bali, wala akong tulog ng 24 oras. Nagulat din ako, dahil puro blonde ang mga nanonood sa akin. Punung-puno ang simbahan, at nag standing ovation pa sila. Iba pala ang pakiramdam na natuwa ang mga banyaga. Pagbalik ko sa Pilipinas, agang-aga, bago ako pumasok sa opisina, tinawagan ko ang aking prodyuser, at sabi ko, bakit parang nag aalab ang aking dibdib. Tila hindi ako mapakali at tinatanong ko ang sarili ko kung tama ba ang aking propesyon. Ang sabi lang niya, isa ka kasing tunay na artist.
Agimat: Bukod sa musika, ano pa ba ang pinagkakaabalahan ng isang Nick Nañgit?
Bukod sa musika, isa po akong abogado at consultant sa buwis, negosyo, at mga kaganapan sa buhay korporasyon. Pili lang ang mga kasong hinahawakan ko. Niyayaya nga ako ng ilang kaibigan na magturong muli sa kolehiyo. Pinag-iisipan ko pa, dahil gusto kong matapos na rin ang librong sinimulan ko nang isulat tungkol sa Buwis. Bukod pa riyan, ay nag vvlog din ako tungkol sa saykismo.
NN: May masasabi ka pa bang nais mong makamit o maabot bilang isang concert pianist?
Siguro, kung may mag sponsor o kung makalikom ang mga nagtitiwala sa akin ng sapat na pantustos sa isa pang pagtatanghal kasama ang orkestra, gusto kong tugtugin ang Piano Concerto No. 1 in B flat minor ni Tchaikovsky na malapit sa puso ko, at tinutugtog ko na noong buhay pa sina Mame at Dade.
Agimat: Mensahe para sa ating mga mambabasa sa Agimat.net:
Salamat po sa lahat ng tumangkilik sa akin sa loob ng 20 taon nang pagtugtog. Huminto na ako ng limang taon, simula noong pumanaw na ang mga magulang ko. Subali’t, nahikayat akong muli ng mga matatalik kong kaibigan na bumalik entablado.
Ang mensahe ko, marahil, ay huwag kayong susuko sa inyong mga pangarap, at sumunod lagi sa inyong mga magulang. Tinapos ko ang accountncy at abogasya, sa kagustuhan nila, at ang mga propesyon kong iyan ang nagbubukas ng pintuan sa akin, para matupad ko ang pasyon ko sa musika. At saka, kahit wala na sina Mame at Dade, buhay lagi ang alaala nila sa aking mga pangarap na unti-unting natutupad.