Ang Pagbabalik-Tanghalan ni Cholo Paz Kasama ang KADIPAN-PNU at CCP Intertextual Division

Ang musikerong si Cholo Paz ay magkakaroon ng isang online na pagtatanghal sa ika-24 ng Setyembre, 2022, 10 ng umaga, sa pamamagitan ng Zoom. Ang aktibidad na ito ay may titulong “Ang Walang Kupas na Panulat at Musika ni Cholo Paz: Tugtugan at Kuwentuhan” na isasagawa ng Kapisanang Diwa at Panitik-Phillipine Normal University at ang CCP Intertextual Division. Mapapanood din ang palabas sa mga Facebook account na ito: facebook.com/KadipanPnu at facebook.com/CCPIntertextualDivision/.

 

 

Ang manunulat at musikerong si Cholo Paz ay ipinanganak noong Disyembre 17, 1952 sa Santiago, Isabela at nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Electrical Engineering sa UP Diliman noong 1974. Nang sundin niya ang tawag ng musika, nagsimula ang kaniyang paglalakbay patungo sa paggawa ng iba’t ibang klasikong awitin na hanggang ngayon ay hindi malimutan.

Si Cholo Paz ay may mga sikat na awiting “Kupas na Maong,” “Bulag na Carriedo,” at “Bangkang Papel.” Mayroon din siyang mga awiting nairekord sa Las Vegas, Nevada na nagngangalang “Bomba Atomika” na nagtatalakay sa digmaan ng mundo at ang kaakbay na kalupitan nito, “Anting-anting” na tungkol sa kultura ng mga Pilipinong naniniwala sa kapangyarihan ng agimat, “Handa Na Ba Kayo” na ukol sa nawawasak na kalikasan dahil sa pag-usbong ng teknolohiya, at ang “Himig ng Gabi” na hinggil sa buhay at pag-ibig ng isang magsasaka sa bukid. Siya rin ay naging kasabayan nina Freddie Aguilar, Florante de Leon, Heber Bartolome, at ng bandang Asin.

Matapos ang mahabang panahon na siya ay nanirahan sa Amerika, tunay na hindi hadlang ang pagkawalay ng musikero sa bansa para ipagpatuloy ang kaniyang adhikain na ibahagi ang kaniyang talento sa larangan ng sining. Sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas, si Cholo Paz ay mapapanood muli ng mga dati niyang manonood at ng bagong henerasyon sa kaniyang pagtatanghal at kuwentuhang magaganap sa araw na ito.