Panawagan para sa mga aplikasyon sa Pambansang Kampo Balagtas 2016
Inaanyayahan ang mga kabataang manunulat na lumahok sa Pambansang Kampo Balagtas 2016 na itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa Buwan ng Panitikan sa Abril 2016. Mangyayari ito sa Orion Elementary School, Orion, Bataan mula 1–3 Abril 2016.
Ang Kampo Balagtas ay isang pambansang kumperensiya na naglalayong turuan at sanayin sa malikhaing pagsulat ang mga pilíng kabataang manunulat bilang panghihikayat sa kanila na makibahagi sa patuloy na pagpapaunlad at pagpapayaman ng panitikan ng bansa. Bahagi ito ng pagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Araw ni Balagtas na ginugunita tuwing 2 Abril taon-taon.
Bukás ang kumperensiya sa lahat ng mag-aaral na nása ikapito hanggang ikalabing-isang (7–11) baitang na kasapi at nakapaglathala na sa kanilang pahayagang pangkampus. Ang mga kalahok ay pipiliin ng KWF batay sa ipapasang mga kopya ng pahayagang pang-estudyante. Ang pamasahe, pagkain, at akomodasyon ng mga kalahok ay sasagutin ng KWF.
Para sa mga nais lumahok, kinakailangang magpadala ang paaralan ng kalahok ng tatlong (3) kopya ng itinuturing nilang pinakamahusay na isyu ng kanilang pahayagang pangkampus. Pipili ng mga kalahok ang KWF batay sa ipinasang isyu ng pahayagang pangkampus. Maaaring ipadala ang mga lahok sa Gusaling Watson, Kalye J.P. Laurel, Malacañang Complex, San Miguel, Maynila. Ang huling araw ng pagpasa ng aplikasyon ay 17 Enero 2016.
PORMULARYO PARA SA PAMBANSANG KAMPO NI BALAGTAS 2016
Source: Komisyon sa Wikang Filipino