Part-Time: Maikling Rebyu

Higit sa manipis na libro ng akdang pampanitikan, isang pagsasadokumento ng danas at sentimyento ang Part-Time na inilahala ng Concerned Artists of the Philippines – PUP Chapter.

 

 

Sa pagragasa ng pandemyang Covid-19 na mulang Tsina ay pagragasa rin ng problemang pangkalusugan at pang-ekonomiya sa buong mundo. Subalit, higit na apektado ng salot ay ang nasa laylayan ng lipunan kabilang na ang mga part-timers – ang mga gurong kailangan ng bisa ng papel (job order) para makapagturo’t sumahod.

Sa batas, ang ugnayang amo-empleyado ay kumakapit lamang sa mga regular at may matibay na kontratang pinanghahawakan, at hindi sa mga ipinatatawag lamang kung kinakailangan.

Sa unibersidad, labanan ng papel. Kailangang may masterado at doktorado upang maibilang sa mabibiyayaan ng posisyong plantilya. Hindi na mahalaga kung paano mo nakuha ang digri, ang mahalaga ay ang tatak o may MA o PhD ka sa dulo ng iyong pangalan. Sariling kayod at gastos, kadalasan, ang pagkakaroon ng MA at doktorado. Igagapang ng isang part-timer upang maseguro na manananatili siya sa posisyon at lalaki ang sahod.

Sa libro, isinalaysay sa mga dagli, tula’t sanaysay ang aawing-awing o nasa balag ng alanganing buhay ng mga kakaning-itik, kabilang ang mga tapos sa kolehiyo at ang iba’y may lisensyang magturo sa senior high school at kolehiyo.

Pinatutunayan ng aklat na mabisang instrumento ang panitikan bilang tagapaghatid ng katotohanang balighó ang lipunang ating ginagalawan at mabangis ang halimaw na lumalapâ sa laman ng busabos na tinatawag na inhustisya at panlalamang ng nasa poder ng kapangyarihan.

Sa akademya, matindi ang pingkian ng puwersa na siyang humuhubog sa kabuuang kapaligiran ng buong institusyon. Banggaan ito ng administrasyon at mga pinakamahalaan, at ng mga limatik at tunay na may karapatang magturo dahil may tunay na dunong at may malasakit sa mga mamamayan.

Ang librong Part-Time ay hindi lamang kalipunang binabasa kundi nililimi upang matimbang sa sarili kung ano nga ba ang dapat na gawin sa isang sistemang balikô.

 

Sulat ni Noel Sales Barcelona