by Mell Navarro posted on May 31, 2016
Ang ToFarm ay acronym para sa The Outstanding Farmer at may theme ito na ‘The Plight of the Farmer: His Trials and Triumphs.’
Ang 6 finalists ay pinili mula sa 67 submissions para sa first edition ng film fest na ito. Ang bawat entry ay binigyan ng production grant na P1.5 million pesos.
Ang competing entries ay ang drama na Free Range directed by Dennis Marasigan, ang magic realism entry na Kakampi ni Vic Acedillo Jr., ang tragicomedy na Pauwi Na ni Paulo Villaluna, ang action-drama na Pilapil ni Jose Johnny Nadela, ang family drama na Pitong Kabang Palay ni Maricel Cariaga, at ang love story na Paglipay (Crossing) ni Zig Dulay (formerly titled Pana-Panahon).
Layunin ng Universal Harvester Inc., producer ng nasabing festival, na sa pamamagitan ng mga pelikulang ito ay makalikha ng awareness sa publiko sa pinagdadaaanang plight ng mga magsasaka at iba pang mga manggagawa sa probinsiya – base sa iba’t ibang kuwento sa mga pelikulang napili ng Selection Committee na binubuo nina Erik Matti, Roy Iglesias, at Jake Tordesillas.
May playdate na ang 1st TOFARM Film Festival, at hindi lamang ito sa Metro Manila ipapalabas (tulad ng ibang film festivals), kundi pati na sa ilang key provinces sa bansa.
Sa Metro Manila, naka-schedule itong ipalabas sa July 13-19; sa Pampanga at Cabanatuan sa August 24-30; sa Cebu City sa September 14-20; at sa Davao sa October 12-18–sa SM Cinemas sa mga nabanggit na lugar.
Ang multi-awarded filmmaker na si Maryo J. Delos Reyes ang festival director, at exciting ito dahil pioneer batch this year. Bukod pa riyan ang aabangan ng audience na Awards Night (sa mid-July), kunsaan paparangalan ang best picture, best director, best actor, best actress, at iba pa.
Narito ang anim na official entries, with the cast members at synopsis ng bawat entry sa ToFarm Film Fest:
1. PAGLIPAY (CROSSING) — written and directed by Zig Dulay
CAST: Anna Luna, introducing ang mga real-life Aetas na sina Garry Cabalic and Joan de la Cruz.
Kasama sina JC Santos, Joel Saracho, Upeng Fernandez, Manel Sevidal, Natasha Cabrera, Norman King, Gigi Locsin, Ken Ken Nuyad.
Note: Ang “paglipay” ay salitang Sambal Ayta na ang ibig sabihin ay ‘pagtawid’, ang salitang ginagamit ng mga Aetas kapag tumatawid ng ilog papuntang siyudad.
SYNOPSIS: Nakasentro ang pelikula kay ATAN (Garry Cabalic), isang mangangaso at kainginerong Sambal Ayta na nakatira sa Baytan, sa bulubundukin paanan ng Mount Pinatubo. Ipagkakasundo siya kay ANI (Joan dela Cruz) na kapwa niya Aeta. Upang maisakatuparan ang kanilang pagpapakasal, sa loob ng lima hanggang anim na buwan, kailangan niyang maibigay ang bandi sa mga magulang ng dalaga: dalawang baboy, ilang gamit panggasak at P20,000 pesos.
Mula sa Baytan, tatawid si Atan sa Ilog Bucao patungong Banwa, sa bayan kung saan kailangan niyang iaakma at iaangkop ang sarili sa modernong pamumuhay upang maipon ang nasabing halaga; bagong itsura at pananamit para makahanap ng pagkakakitaan, ibang paraan ng pananampalataya, iba ang gamit na lengguwahe, at iba rin ang pakikitungo sa mga “unat”, lalo na kay RAIN (Anna Luna), ang dalagang taga-Manila na higit na magpapabago sa kaniyang buhay.
Panandaliang makikipamuhay si Rain sa mga Aeta para sa kanyang thesis. Nagkasundo sila ni Atan na babayaran siya nito para samahan siya sa pakikipanayam sa mga kakilala niyang katutubo.
Sa halos araw-araw na lakad ng dalawa, nakilala nila ang isa’t isa. Umusbong ang kakaibang pagtingin ni Atan sa dalaga. Unti-unti niyang nakalimutan ang bandi at ang kasunduan kay Ani.
Lingid sa kanyang kaalaman, sa pagsisikap na umangkop at umakma sa modernong buhay, unti-unti niyang nakakalimutan ang sarili, kaalinsabay ng unti-unting paglamon ng modernismo sa kanilang kabundukan.
2. KAKAMPI — written and directed by Vic Acedillo Jr.
CAST: Neil Ryan Sese, Gloria Sevilla, Felix Roco, Suzette Ranillo, Kate Brios, Perry Dizon
SYNOPSIS: Sa isang ordinaryong pagsakay ni JUN (Felix Roco), isang young executive, sa isang taxi ay nalaman nito ang kakaibang istorya ni BEN (Neil Ryan Sese), isang 35-year-old taxi driver sa Manila, tungkol sa kung papaano siya naging lanzones farmer sa Camiguin Island, Mindanao.
Ang istorya niya ay nagsimula limang taon na ang nakakaraan. Isa siyang mayabang na sales executive sa Manila. Umuwi siya ng Camiguin Island sa pag-aakalaang magmamana siya ng isang malaking lupain kunsaan plano sana niyang magtayo ng isang resort. Kaso ay hindi ganoon kalaki ang lupa. Nalaman niya ring hindi rin niya mamamana ang nasabing lupa.
Ngunit ang maliit na farm na yun ay nakakagulat na nag-aani pa ng mas marami kesa sa malalaking lupa. Umuwi siya ng Camiguin dahil nais ng Lola (75) niya na i-save ang farm tumigil na sa pagbunga ng lanzones ang mga puno mula pa noong sinabi ng kanyang Lolo na ipapamana nga nito ang lupa sa kanyang apo na walang alam sa “farming practices.”
Ang malabong alaala lang ni Ben sa kanyang Lolo ay noong 7 years old siya at ang pamumuhay ng mga tao sa probinsiya. Ang buhay ni Ben ay maliliko mula sa ordinaryong pamumuhay tungo sa kakaiba at may pag-aalalang mundo.
Inspired ito ng pakikipagkuwentuhan ng direktor ng pelikula (na tubong probinsiya) sa isang taxi driver nang minsang magpunta siya sa Manila.
3. FREE RANGE — written and directed by Dennis Marasigan
CAST: Paolo O’Hara, Jackie Rice, Michael de Mesa, Madeleine Nicolas, Jojit Lorenzo, Leo Rialp.
Guest roles from Ana Feleo and Carlos Siguion-Reyna
SYNOPSIS: Si CHITO (Paolo O’Hara) ay anak ng owners ng isang lodge sa Coron, Palawan. Dahil sa kakulangan ng itlog sa kanilang probinsiya, nahimok siyang mag-alaga ng organic chickens. Nag-training siya at ilagay ang farm sa lupang pag-aari ng kanyang ama. Bago pa man ilunsad ang kanyang negosyo, na-stroke ang ama ni Chito. Hindi agad makasama ni Chito ang kanyang ama dahil isang bagyo sa Coron.
Ang mga bookings sa kanilang lodge ay kanselado, at mga 200 mula sa 500 chickens sa kanilang farm ay namatay.
Dahil sa kakulangan ng pondo at naghihirap na, isang korporasyon ang nag-alok na bilhin ang lupa, na tatayuan ng isang mall. Inalok rin siya ng isang posisyon sa pulitika, ngunit may kapalit.
Namatay ang kanyang ama. Umalis patungong Amerika ang kanyang ina upang magtrabaho. Nag-desisyon si Chito na ituloy ang farm at i-manage ang lodge, ngunit mahirap para sa kanya.
Nagbunga ang kanyang pagsusumikap nang pumatok ang tourism business sa kanilang lugar at dumami ang naging regular buyers niya ng itlog at dressed chicken products. Naka-recover na ang ina ni Chito at bumalik sa probinsiya, samantalang ang kanyang maybahay ay tumulong sa paglago ng kanilang negosyo.
4. PILAPIL — written and directed by Jojo Nadela
CAST: James Blanco, David Remo, Pancho Magno, Diva Montelaba, Bonbon Lentejas, Rez Cortez, with guest role by Orlando Sol
SYNOPSIS: May kanya-kanya silang landas na tinatahak. Si VICTOR (James Blanco) ay isang mamang lalaki na nais tumakas sa mahirap na buhay sa pagsasaka ng lupa at maghanap ng mas malaking pagkakakitaan sa siyudad, samantalang si BOKNOY (David Remo) ay isang inosenteng batang lalaki na itinuturing na ‘paraiso’ ang nasabing lupain.
Matututo ba si Victor kay Boknoy nang hindi na ito magpunta saanman? Na ang kanyang puso lamang ang kailangang matuto upang bumalik siya sa kanyang pinagmulan? Tulad ni Boknoy, mamahalin rin kaya ni Victor ang lupa at ituring rin niya itong isang paraiso?
5. PAUWI NA — written and directed by Paolo Villaluna
CAST: Bembol Roco, Cherry Pie Picache, Meryll Soriano, Jerald Napoles, Jess Mendoza, and Chai Fonacier
SYNOPSIS: Susundan natin ang isang maysakit na mamang lalaki, isang magnanakaw, isang aso, isang bulag na buntis na babae, at si Hesukristo sa kanilang “tragi-comic journey” ng pagkilala sa sarili, sa pagbiyahe nila sa pamamagitan ng pedicab mula Manila patungong ‘paraiso’ nila: ang kanilang probinsiya.
Ang pelikula ay inspired ng isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer (“Family Pedals Way Back Home to Leyte”) noong September 7, 2003.
Makikitang si MANG PEPE at ang kanyang pamilya ay babiyahe mula Manila patungong probinsiya, sakay ng pedicab. Asawa ni Mang Pepe si REMEDIOS, anak sina PINA at PJ, kasama ang bulag na buntis nitong asawang si ISABEL, ang aso nilang si Kikay – namumuhay sila sa isang barong-barong.
Upang makaraos sa araw-araw, nagpe-pedicab si Mang Pepe at naghahatid ng mga iba’t ibang kalakal sa palengke, samantalang si Aling Remedios ay naglalaba para sa mga kapitbahay. Sina JP at Pina ay naghahanap ng trabaho, at ang bulag na si Isabel na may imahinasyon na “nakikita at nakakausap” si Hesukristo.
Mapapagtanto ni Mang Pepe ang kahirapan ng buhay sa siyudad, kung kaya’t kukumbinsihin nito ang pamilyang bumalik na lang sa Bicol, ang kanilang probinsiya. Ngunit dahil walang pamasahe, gagamitin nila ang mga pedicab.
Sa pagbiyahe nilang ito, sasagupain nila ang iba’t ibang kamalasan – na susubok sa kanilang determinasyon at kung maiistorbo ang pangarap nilang pag-uwi sa probinsiya.
6. PITONG KABANG PALAY — written and directed by Maricel Cariaga
CAST: Arnold Reyes, Sue Prado, Micko Laurente, Precious Miel Espinosa, Cataleya Surio, and Alfonso Ynigo Delen
SYNOPSIS: Ang Pitong Kabang Palay ay kuwento ng isang pamilya na nabubuhay sa pamamagitan ng pakikipisan sa pagsasaka. Umiikot ang istorya sa panagalawang anak na si Balong, isang matalino at masayahing bata. Batid ni Balong ang pagpupursige ng kanyang mga magulang upang maitawid ang pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Dahil sa pagmamahal at kasipagan ng kanyang mga magulang, matututunan din ni Balong ang maging isang masipag, maasahan at mapagmahal na anak at kapatid. Magsisimula itong managarap para sa kanyang pamilya. At ito, para sa kanyang mga magulang, ang tunay na tagumpay.