Isang paanyaya mula sa Bienvenido N. Santos Creative Writing Center, Departamento ng Literatura ng at Departamento ng Filipino, katuwang ang Balangay Productions para sa PANAYAM at PAGLULUNSAD ng “PLAKARD” (Balangay Productions) ni Dr. Efren R. Abueg.
Magaganap ito sa Agosto 8, 2019, Huwebes, 2:30-5:00 n.h. sa Event Area, Learning Commons, 6F Henry Sy Sr. Hall, De La Salle University, Taft Avenue, Manila.
Tungkol sa Panayam at Lunsad-Aklat
Isa sa maituturing na haligi ng panitikang Pilipino ang makata, kuwentista, at nobelistang si Dr. Efren Abueg. Mula sa pagiging regular na contributor ng maiikling kuwento at nobela sa magasing “Liwayway” hanggang sa pagiging bahagi ng premyadong antolohiya ng maiikling kuwento na Mga Agos ng Disyerto,” hindi maikakailang malaki ang naging ambag ni Dr. Abueg sa kalinangan ng panitikan sa bansa. Sa panayam na ito, muling babalikan ang kaniyang makulay na karanasan bilang manunulat at guro. Bukod pa, kasabay ding ilulunsad ang librong “Plakard,” kalipunan ng kaniyang mga maiikling kuwento.
Tungkol sa Aklat
Dalawa lamang antolohiya ng mga kuwento sa anomang wikang sinasalita sa Pilipinas ang nagharap sa sambayanang Pilipino ng tungkol sa mga pangyayari, kaisipan at damdaming humantong sa isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa – ang Rebolusyong EDSA. Una ang Sigwa, katipunan ng maiikling kuwento na pinamatnugutan ni Ricky Lee ng inilathala bago ideklara ang martial law; ikalawa itong Plakard na hango ng awtor ang maraming akda sa mga pahina ng Liwayway at iba pang popular na publikasyon.
Bahagi ang may-akda ng mga nangyari sa panahon ng aktibismo at isinangkap niya ang ilang karanasan niya sa mga kuwentong nilalaman ng antolohiyang ito. May kani-kaniyang pananaw ang maraming manunulat at alagad ng sining sa mga nangyari sa lipunan noong mga panahong iyon. Ang paghuhunos ng mga karanasang iyon ang naglantad at maglalantad pa ng kanilang mga ideolohiya na magtatakda ng kapalaran ng ating bansa sa darating na mga taon.
Tungkol sa Manunulat
Si Efren R. Abueg ay ginawaran ng Alab ng Haraya Lifetime Achievement for Literature ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA, 2002), nagkamit ng ilang Palanca Memorial Awards for Literature (maikling kuwento) at Gantimpalang Liwayway sa nobela, at isa sa limang manunulat ng antolohiya ng premyadong maiikling kuwentong nakaapat nang edisyon, ang Mga Agos sa Disyerto (1964, 1974, 1995, 2010) matagal na nagturo sa dalawang kampus ng De La Salle University (Maynila at Dasmariñas, Cavite). Aktibong nobelista ng lingguhang magasing Liwayway, nagturo rin siya sa paaralang gradwado ng University of Perpetual Help System DALTA (UPHSD) at Polytechnic University of the Philippines.
Para sa karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa 524-4611 local 233 o magpadala ng email sa bnscwc@dlsu.edu.ph.
Related article
La Salle to launch Abueg’s ‘Plakard’
The Manila Times, July 28, 2019